Pinangunahan nila First Lady Lisa Araneta-Marcos at Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa ang paglulunsad ng ‘Lab for All’ caravan sa Lungsod ng Balanga sa Lalawigan ng Bataan.
Ito ay programa ng pamahalaan na naglalayong palawakin pa ang pagbibigay ng primary care service sa bansa, kung saan bawat Pilipino mula sa iba’t ibang dako ay makikinabang sa kampanyang ‘Healthy Pilipinas, Bawat Buhay Mahalaga’.
Sinabi ni Herbosa, inisyatiba ng Administrasyong Marcos Jr. ang nasabing caravan upang magpaabot ng libreng serbisyong pangkalusugan tulad ng pamamahagi ng mga gamot at konsultasyon.
Kabilang sa mga ito ay sa pediatrics, obstetrics, gynecology, ECG, dental extraction, minor surgeries, eye check-up at iba pa.
Katuwang ng DOH sa nasabing programa ang iba’t ibang ahensya tulad ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.
Gayundin ng Commission on Higher Education (CHED), Food and Drug Administration (FDA), at ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: DOH