Inihayag ngayon ni Department of Justice (DOJ) Sec. Jesus Crispin Remulla na kanilang rerepasuhin ang kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ito’y ayon sa Kalihim makaraang humarap ngayong araw sa kanilang tanggapan ang ilang kaanak ng mga nawawalang sabungero para humingi ng update hinggil sa tinatakbo ng kaso.
Sa ipinatawag na pulong balitaan ngayong hapon, inamin ng Kalihim na tila hindi umusad ang kaso, 90 araw buhat nang maglabas na ng mandamiyento de aresto laban sa mga itinuturong sangkot.
Kaya naman inatasan ni Remulla ang National Bureau of Investigation (NBI) gayundin ang Philippine National Police (PNP) na magsumite ng ulat hinggil dito sa susunod na Miyerkules, Agosto 23.
Doon, muling kakausapin ng Kalihim ang pamilya ng mga nawawalang sabungero upang bigyan sila ng update hinggil sa kung nasaan na ang itinatakbo nito.| ulat ni Jaymark Dagala