Pinasinayaan ngayong araw ng Department of Tourism (DOT), kasama ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority ang pagbubukas ng kauna-unahang Tourist Rest Area (TRA) sa Mindanao, na matatagpuan sa bayan ng Manolo Fortich sa Bukidnon.
Ito ang ikalawang tourist rest area na nai-handover ng DOT sa lokal na pamahalaan, kasunod ng Medellin, Cebu nitong Hulyo.
Ang nasabing Tourist Rest Area ay may libreng charging station at may komportableng mauupuan na pwedeng pagpahingahan ng mga biyahero. Mayroon din itong dedicated space kung saan maaaring bumili ang mga turista ng mga pasalubong mula sa mga produktong likha ng mga Micro, Small, and Medium Enterprises sa Bukidnon.
Itinayo ang nasabing tourist rest area upang i-cater ang mga turista na naglalakbay galing at papunta sa mga munisipalidad ng Manolo Fortich, Impasug-ong, Sumilao, at Libona sa Bukidnon.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, 15 tourist rest areas pa ang madadagdag sa listahan ngayong taon.
Nauna nang nabuksan ng DOT ang TRAs sa Samal Island sa Davao del Norte; Carcar, Carmen, Medellin, at Moalboal sa Cebu; Dauis sa Bohol; Pagudpud, Ilocos Norte; Roxas, Palawan; at Baguio City. | ulat ni Gab Villegas