Nabuwag ang isang drug den sa Digos City na umano’y pinamamahalaan ng Regional Target Listed Drug Personality Number 9 sa isinagawang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency 11 (PDEA 11), madaling araw ng Miyerkules (Agosto 2, 2023).
Kinilala ng PDEA 11 ang suspect na si Nur Aniza Pacalna, 42 anyos na residente ng Barangay Zone 1, Digos City, Davao del Sur.
Sa report, bandang alas 2:03 kaninang madaling araw, inilunsad ng awtoridad ang isang buy-bust operation kasama ang Davao del Sur Provincial Office at Digos City Police Station, sa labas ng bahay ng suspect kung saan binentahan nito ang ahente ng PDEA 11 na nagpapanggap na buyer nang isang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P6,000.
Agad na hinalughog ng awtoridad ang bahay ng suspect kung saan nasamsam nito ang apat sachet ng pinaniniwalaang shabu na tumimbang ng 12 gramo na tinatayang nagkakahalaga P81,600 kasama ang mga paraphernalia.
Naabutan din ng awtoridad ang dalawang menor-de-edad sa loob ng bahay ng suspect at agad itong ni-rescue habang inaresto ang isang kliyento nito na kinilalang si Karim Malli.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa kina Pacalna at Malli.
Habang na turnover ang mga menor-de-edad sa Digos City Social Welfare and Development Office para sa kinakailngang interventions.| ulat ni Armando Fenequito| RP1 Davao