Nakahanda na ang relief assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilang lalawigang inaasahang tatamaan ng Bagyong Goring.
Ayon sa DSWD, nakapag-preposisyon na ang Cagayan Valley regional office nito ng halos 10,000 family food packs (FFPs) sa Isla ng Batanes.
Katunayan, iniulat ni DSWD Field Office-2 (Cagayan Valley) Regional Director Lucia Alan na aabot sa 1,306 FFPs ang ilalaan sa Basco; 1,322 sa Itbayat; 1,100 sa Ivana; 1,094 sa Mahatao; 1,203 sa Sabtang at 1,167 sa Uyugan.
Karagdagang 2,078 food packs rin ang naipadala na sa Batanes provincial capitol.
Bukod sa Batanes, may nakahanda na ring relief packs sa lalawigan ng Isabela at pati sa Calayan Island, Cagayan.
“For Calayan Island, we have prepositioned 2,900 FFPs while 150 FFPs were sent to Barangay Fuga of Aparri, Cagayan,” Director Alan.
Una nang iniutos ni DSWD Sec. Gatchalian sa mga regional director na tiyaking may sapat silang suplay ng family food packs (FFPs) para sa mga maaapektuhan ng bagyong Goring. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📷: DSWD