Patuloy ang paghahatid ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga rehiyon na lubhang naapektuhan ng bagyong Egay at habagat.
Ayon sa DSWD, umabot na sa 45,500 na family food packs ang naipadala sa tatlong rehiyon kabilang ang Central Luzon, Cordillera Administrative Region, at Ilocos Region.
Target nnaman ng ahensya na makapagpadala ng 289,906 na family food packs sa unang dalawang linggo ng Agosto bilang tulong sa mga lokal na pamahalaan ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, at Cordillera Administrative Region.
Kaugnay nito, ay nakiusap naman si DSWD Assistant Secretary for Local Engagement Ulysses Aguilar sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na huwag hulihin sa truck ban violation ang delivery trucks ng ahensya lalo na kung may signage naman ito na nakalagay na DSWD Operation upang hindi maantala ang relief operation ng ahensya.
Hiningi na rin ni Aguilar sa mga concerned na regional director, na ipadala ang plate numbers at pangalan ng drivers para maibigay sa MMDA Traffic Enforcement Group. | ulat ni Diane Lear