Inalerto na ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang regional directors partikular sa Cagayan Valley, Calabarzon at Bicol sa posibleng epekto ng bagyong Goring.
Kasama sa direktiba ng kalihim ang pag-iimbentaryo sa mga relief good na ide-deploy sa mga lugar na posibleng tamaan ng bagyo.
Kaugnay nito ay inatasan na rin ng Disaster Response and Management Group (DRMG) ang mga regional director sa DSWD Bicol at Cagayan Valley na tiyaking may sapat silang suplay ng family food packs (FFPs).
Pagtitiyak naman ng DSWD Field Office V, nakahanda na itong rumesponde sa mga maapektuhan kabilang ang mga residente ng Catanduanes Island.
Siniguro rin ng DSWD Cagayan Valley na may mga nakapreposisyon na itong relief goods sa Isla ng Batanes at pati na sa Isla ng Calayan sa Cagayan.
Una nang ibinabala ng PAGASA ang malalakas na pag-ulang dala ng bagyong Goring na posibleng umabot sa typhoon category. | ulat ni Merry Ann Bastasa