Tutol din ang Lawyers for Commuters’ Safety and Protection (LCSP) sa hirit na ₱2 taas-pasahe ng ilang transport group sa pampasaherong jeepney.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, presidente ng LCSP, bagamat nauunawaan nito ang pinapasan ng mga tsuper at operator sa sunud sunod na oil price hike, ay masyadong mabigat naman para sa mga pasahero ang ₱2 dagdag singil sa pamasahe.
Paliwanag nito, kung natataasan na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa unang hirit na ₱1 surcharge fee tuwing rush hour, mas mahirap lalo sa mga pasahero ang ₱2 taas-pasahe tuwing sasakay ng jeep.
Mahihirapan aniya dito lalo ang mga manggagawang maliit lang ang kinikita at araw araw kung mag-commute.
Para kay Atty. Inton, hindi dapat na awtomatikong dagdag-pasahe ang solusyon sa hirap ng mga tsuper.
Panahon na aniya na mag-isip ng iba pang solusyon sa mga problema ng mga transportation group gaya ng trapiko, pamamahagi ng fuel subsidy, at pati na ang pagresolba sa mataas na singil sa terminal fee.
Una nang sinabi ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III na pag-aaralan pa nito ang hirit na taas-pasahe ng mga tsuper. | ulat ni Merry Ann Bastasa