Pumalo na sa P3.17 bilyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura na dulot ng pananalasa ng Bagyong Egay at habagat.
Batay sa pinakahuling assessment ng Department of Agriculture, siyam na rehiyon ang naapektuhan kabilang ang Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZIB, MIMAROPA, Western Visayas, Soccsksargen at Caraga.
Umabot na sa 146,260 ng mga magsasaka at mangingisda ang naapektuhan kung saan 106,453 metriko tonelada ng produksyon ang nasayang matapos tamaan ng bagyo ang 170,843 ektarya ng lupang sakahan.
Kabilang sa mga apektadong pananim ay palay, mais, pati na ang livestock, poultry, at fisheries.
Kaugnay nito ay magbibigay naman ng tulong ang DA para sa mga apektadong magsasaka gaya ng iba’t ibang buto ng palay at gulay, mga gamot para sa mga alagang hayop, tulong pinansyal, habang fingerlings at fuel assistance naman para sa mga apektadong mangingisda.
Patuloy naman na nakikipag-ugnayan ang DA sa regional field offices nito para ma-monitor ang epekto ng Bagyong Egay sa agri-fisheries sector at maibigay ang mga kinakailangan pang tulong. | ulat ni Diane Lear