Nagbigay ng babala ang Commission on Climate Change na paghandaan ang inaasahan na heat wave sa mga susunod na buwan na magdudulot ng tagtuyot.
Sa isang pahayag, sinabi ni CCC Commissioner Albert dela Cruz Sr. na sa kabila nang nararanasang habagat ay may nagbabadya pa rin na tagtuyot sa bansa.
Sa katunayan, nararanasan na aniya sa Apayao, Cagayan, at Kalinga ang El Niño dahil 60% nang pag-ulan ang nabawas sa mga nasabing probinsya, gayundin sa Isabela at Tarlac.
Ang El Niño ay isang weather phenomenon na nangyayari kapag umiinit ang temperatura ng tubig sa Pacific Ocean na maaaring makapagpabago ng temperatura at klima sa kalupaan. | ulat ni Charmaine Cristobal