Pinatitiyak ni House Committee on Poverty Alleviation Chair Mikee Romero sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maging masinop sa ginagawang assessment ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps bago tuluyang alisin sa programa.
Kasunod ito ng inaprubahang resolusyon ng komite para ipanawagan sa ahensya na suspendihin ang pagpapatupad ng delisting sa may 1.3 milyong mahihirap na pamilyang Pilipino.
Ani Romero, kailangang tiyakin ng DSWD na talagang nakaahon na sa hirap ang family beneficiary bago alisin sa programa.
Punto pa nito na kailangang maging realistic o makatotohanan ang batayan ng DSWD sa pag-delist ng family beneficiary.
“We are all for that but let us make sure that the exiting families have really improved their financial status and some of their children have finished college and are now employed,” saad ni Romero.
Hindi rin naman aniya makakaapekto ang suspesyon sa delisting dahil may sapat namang pondo ang ahensya para sa programa.
“Its funding in the annual national budget is good for 4.4 million families. Today, 3.9 million families are considered ‘active,’ of which 3.2 million are receiving financial assistance. Some 700,000 households are ‘under review’,” dagdag ni Romero.
Sa budget briefing ng DSWD, inanunsyo ni Sec. Rex Gatchalian na nagpatupad na sila ng moratorium sa delisting ng 4Ps beneficiaries hanggat hindi natatapos ang isinasagawang assessment sa may 1.4 million na pamilya.
Ang resulta ng assessment ay inaasahang mailalabas sa Setyembre. | ulat ni Kathleen Jean Forbes