Patuloy na pinaaalalahanan ng Inter-Agency Council on Traffic o I-ACT ang mga ahensya ng pamahalaan bawal dumaan sa EDSA Busway ang mga red-plated vehicle gayundin ang mga kawani ng pamahalaan na gumagamit ng pribadong sasakyan.
Ginawa ng I-ACT ang pahayag makaraang muli silang magkasa ng operasyon katuwang ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA, Land Transportation Office at PNP Highway Patrol Group o HPG.
Hindi bababa sa 26 sasakyan ang nasampolan ng I-ACT sa bahagi ng EDSA-Ortigas ngayong umaga kung saan, maliban sa pagsita ay naisyuhan pa sila ng violation ticket.
Kahit na ilang ulit nang ibinabala na bawal, marami pa ring mga motoristang hindi awtorisado ang pumapasok sa bus carousel lane sa EDSA kahit pa mga government vehicle na naka-red plate subalit hindi naman nakatalaga sa emergency response.
Maliban din sa violation ticket, mahaharap din sa multang P1,000 ang mga sasakyang hindi awtorisadong dumaan sa bus lane. | ulat ni Jaymark Dagala