Welcome kay Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II ang nakatakdang pagdinig ng Senado hinggil sa viral road rage incident na kinasasangkutan ng dating pulis na si Wilfredo Gonzales at isang siklista sa Quezon City.
Sa isang pahayag, sinabi ng LTO Chief na tama lang na talakayin na ang naturang road rage incident lalo’t kaligtasan ng mga motorista at ng mga mananakay ang nakasalalay dito.
Maipupunto rin umano dito ang kahalagahan ng responsableng paggamit ng lansangan gayundin ang kaligtasan ng mga motorista at siklista.
Dagdag pa niya, maaaring maging daan ang pagdinig upang maisaisip ng publiko na lahat ay may pantay na pribilehiyo sa paggamit ng lansangan.
“Kahit gumugulong na ang imbestigasyon ng ibang ahensya sa insidente, mahalaga pa rin ang magiging ambag ng pagtalakay na gagawin sa Senado upang ating malaman kung ano-ano ang mga bagay na dapat nating iimprove sa sektor ng transportasyon,”
Kapwa naghain ng kanilang resolusyon sina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senadora Pia Cayetano para imbestigahan ang nangyaring insidente ng road rage na nag-viral sa social media nitong weekend.
Kaugnay nito, nakatakda naman ngayong hapon ang pagdinig ng LTO sa isyu ng naturang road rage incident kung saan ipinatawag si Gonzales.
Una nang nagpalabas ang LTO ng show cause order laban sa dating pulis at suspendido na rin ang kaniyang lisensya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa