Nanawagan si Isabela 6th District Representative Faustino “Inno” Dy V kay National Electrification Administration (NEA) Chief Antonio Almeda, na tuldukan na ang pang-aabuso ng mga opisyales ng electric cooperatives.
Ayon kay Dy, dapat nang baguhin ang polisiya na siyang nagpapahirap sa mga kooperatiba at nagdudulot ng problema sa mga mamamayan.
Sa kanyang privilege speech sa plenaryo, tinalakay ng mambabatas ang mga maanomalyang issues na bumabalot sa Isabela Electric Cooperative I.
Base kasi sa ginawang congressional inquiry noong nakaraang taon, nadiskubre ang mga paglabag ng nasabing kooperatiba kabilang na dito ang pangongolekta ng P130 million para umano sa service fees para sa late payment, na walang basbas ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Gayudin ang pagbabayad ng P2 million kada buwan sa loob ng tatlong taon para sa umano ay DC Tech Company para sa information technology services, na hanggang sa ngayon ay hindi pa naide-deliver.
Diin ng mambabatas, kung hindi kikilos ang NEA at ERC sa mga kasong ito at walang mapaparusahan ay patuloy lamang ang anomalya at kawalan ng accountability.
Ayon kay Rep. Dy, plano niyang magpatawag muli ng imbestigasyon para sa umano’y foundation na pinaglalagakan ng bahagi ng sweldo ng kooperatiba na sapilitang kinakaltas sa mga empleyado. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes