Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw ang driver’s license ng dalawang motoristang sangkot sa panibagong alitan sa kalsada sa Makati na viral na rin ngayon sa social media.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, inisyuhan na ng Show Cause Order (SCO) ang mga motoristang nagkaalitan sa Makati kabilang si Police Staff Sgt. Marsan Dolipas, at Angelito Rencio, na nagpakilalang miyembro ng Intelligence Service ng AFP sa incident report ng NCRPO.
Paliwanag ni LTO Chief Mendoza, matapos nitong mapanuod ang viral road rage video ay agad ding ipinag-utos na suspindihin pansamantala ang lisensya ng dalawang motorista at pagpapaliwanagin kung bakit hindi dapat bawiin ang kanilang lisensya sa pagmamaneho.
“Ang agaran nating aksyon ay alinsunod sa kautusan ng ating DOTr Secretary Jaime Bautista na maging mabilis sa pagtugon laban sa mga tao na itinuturing nating banta sa kaligtasan ng mga motorista,”
Kapwa pinagsusumite ngayon ng LTO ang dalawang motorista ng affidavit kung bakit hindi sila dapat na panagutin sa paglabag sa Section 48 (Reckless Driving), Section 27 (Improper Person to Use a Motorized Vehicle), and Section 24 (Obstruction of Traffic) ng Republic Act 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code.
Maliban dito, naka-alarma na rin ngayon ang plaka ng motorsiklo habang nagpapatuloy ang pagsisiyasat.
Sa viral video, nagpambuno sa gitna ng kalsada ang dalawang motorista nang mabangga ng motorsiklong minamaneho ni Rencio ang sasakyan ni Dolipas noong Aug. 25. | ulat ni Merry Ann Bastasa