Hindi pa rin isinasara ng Pamahalaang Lungsod ng Makati ang kanilang pintuan para sa alok na pamamahagi ng school supplies sa mga mag-aaral ng 14 na paaralan sa loob ng 10 Enlisted Men’s Barrio o EMBO Barangays na ngayo’y inilipat na sa Taguig City.
Ito ang inihayag ni Makati City Mayor Abigail Binay, makaraang mamagitan na ang Department of Education (DepEd) sa pamumuno ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, para sa pansamantalang pangangasiwa sa mga naturang paaralan.
Ayon kay Mayor Binay, kabilang sa mga handa nilang ipamahagi ay ang libreng uniporme, sapatos, school supplies, at iba pang pangangailangan sa mahigit 30,000 public school students.
Una nang inihayag ni Mayor Binay, na bukas silang makipagtulungan sa bubuoing transition team para na rin sa kapakanan at kinabukasan ng mga apektadong mag-aaral, magulang at guro.
Magugunitang naglabas ng kautusan si VP Sara sa bisa ng DepEd order 023, na nagsasaad ng direktang pamamahala sa mga nabanggit na barangay habang pinaplantsa ang transition matapos ang naging desisyon ng Korte Suprema. | ulat ni Jaymark Dagala