Hinimok ng Quezon City government ang siklista na kinasahan ng baril ng dating pulis na lumantad at makipagtulungan para sa pagsasampa ng kaso.
Naglabas ng panawagan si Mayor Joy Belmonte matapos ihayag ng dating pulis na si Wilfredo Gonzalez na nagka-ayos na sila ng siklista.
Kasabay nito, inutusan ni Belmonte ang QC People’s Law Enforcement Board (PLEB) na imbestigahan kung paano hinarap ng Quezon City Police District ang kaso.
Nagpahayag ng pagkadismaya ang alkalde kung bakit hinayaan ng Galas Police Station (PS-11) ang mabilis na pag-areglo sa kaso.
Sakaling lumutang na ang siklista, posibleng magsampa ng kaso ang lungsod ng Grave Threat, Slander by Deed, Reckless Imprudence, Physical Injuries, Violations of RA 10591 o kawalan ng License to Own and Possess a Firearm at kawalan ng Permit to Carry.
Bukod pa dito, ang mga kaso alinsunod sa umiiral na City Ordinance na nagsusulong ng Safe Cycling and Active Transport at City Ordinance tungkol sa Road Safety Code.| ulat ni Rey Ferrer