Paiigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang counselling sessions para sa mga pulis na may problema para matiyak ang kanilang mental health.
Ito ang sinabi ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa isang ambush interview sa Camp Crame, matapos pangunahan ang pagdiriwang ng ika-122 anibersaryo ng Police Service.
Ang pahayag ay ginawa ng PNP Chief, kaugnay ng nangyaring pag-amok kahapon ng isang pulis sa loob ng Taguig City Police Station na ikinasawi ng isa sa kanyang kasamahan.
Ayon kay Gen. Acorda, may mga pulis na nakakaranas ng problemang pangkaisipan dahil sa depresyon batay sa impormasyon mula sa PNP Health Service.
Dahil dito, ipapa-review aniya niya ang neuro-psych test ng mga pulis.
Nabatid na ang barilan sa Taguig City Police Station ay dahil lang sa ulam na sinigang na baboy.
Nagwala kasi ang suspek matapos malaman na baboy ang niluto ng kanilang cook na ipinagbabawal sa kanilang relihiyon. | ulat ni Leo Sarne