Pasado ala-1 ngayong hapon ay nagsiuwian na rin ang mga residente na nagsilikas kagabi dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan sa Marikina City.
Ayon sa Marikina City Rescue, umabot sa 18 pamilya o 90 indibidwal ang mga nagsilikas sa tatlong evacuation center sa lungsod kabilang ang Nangka Gym, Pamantasan ng Lungsod ng Marikina, at sa Barangay Dela Pena.
Hindi naman binaha ang nasabing mga residente ngunit natakot lang dahil sa lakas ng ulan.
Samantala, tuluyan nang bumaba ang lebel ng tubig sa Marikina River na nasa 15.3 meters as of 1 PM. Habang ibinaba na rin ang alarm level sa unang alarma.
Kaninang alas-4 ng madaling araw ay tumaas sa 16 meters ang lebel ng tubig sa ilog dahilan para itaas ang alarm level sa ikalawang alarma.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro, malaking tulong ang ginagawang dredging operations sa Marikina River dahil lumawak at lumapad ang ilog na nakatulong para mapigilan ang mga pagbaha sa lungsod.
Sa ngayon, nagsimula na rin maglinis ang tauhan ng Marikina River Parks Authority ng mga putik na naiwan sa gilid ng Marikina River na dulot ng mga pagbaha. | ulat ni Diane Lear