Pinangunahan ni Vice President Sara Duterte ang pagpapasinaya sa pagbubukas ng Mobile E-Learning Hub Project ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Lahug, Cebu City.
Layon nitong mabigyan ng pagkakataon na magkaroon ng kaalaman hinggil sa information and communications technology ang mga mag-aaral na nasa malalayong lugar sa Pilipinas.
Ayon kay VP Sara, ang Mobile E-Learning Hub ay isang customized container van na maihahalintulad sa isang computer shop on wheels.
Dadalhin ito ng AFP sa mga komunidad tuwing magsasagawa sila ng peace-building at developmental activities sa lugar.
Sa pamamagitan ng Mobile E-Learning Hub, magiging bahagi na ng mga aktibidad ng AFP ang promosyon ng edukasyon at digital training ng mga kabataan.
Ani VP Sara, naging posible ang proyektong ito sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor. | ulat ni Diane Lear