Nat’l Task Force for the West Philippine Sea, nakatutok sa huling insidente ng pangha-harass ng Chinese Coast Guard

Facebook
Twitter
LinkedIn

Magsasagawa ng pulong-balitaan ang National Task Force for The West Philippine Sea ngayong hapon kaugnay ng huling insidente ng pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea (WPS).

Ang NTF-West Philippine Sea, na nilikha para itaguyod ang soberenya at interes ng bansa sa West Philippine Sea ay pinamumunuan ng National Security Adviser bilang chairman, at kinabibilangan ng mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), Maritime Group (PNP-MG) at iba pang kinauukulang ahensya.

Sa huling insidente sa WPS nitong Sabado, binugahan ng Chinese Coast Guard ng water cannon at hinarangan ang inarkilang supply boat ng AFP na patungo sa Ayungin Shoal para sa isang regular na troop rotation at resupply mission.

Kapwa kinondena ng AFP at PCG ang naturang insidente at sinabing ito’y lantarang pagbale-wala sa kaligtasan ng mga sakay ng naturang barko at paglabag sa international law, partikular ang United Nations  Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Award.

Nagpahayag naman ng suporta ang Estados Unidos sa Pilipinas at sinabing ang aksyon ng China ay banta sa seguridad at stabilidad sa rehiyon, kasabay ng pagtiyak na ang anumang pag-atake sa mga pampublikong sasakyan ng Pilipinas sa WPS, kabilang ang Coast Guard ay saklaw ng Mutual Defense Treaty.  | ulat ni Leo Sarne

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us