Inatasan ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Brigadier General Melencio Nartatez na i-relieve sa puwesto si Navotas City Chief of Police Col. Alan Umipig kaugnay ng kaso ng pagkakapaslang ng kanyang mga tauhan kay Jemboy Baltazar.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Alfegar Triambulo, nadiskubre sa kanilang imbestigasyon na inutusan ni Umipig ang team leader na tanggalin sa kanilang report ang 11 pulis na kasama din sa operasyon.
Dahil dito, pinakakasuhan ni Triambulo si Umipig ng Dishonesty at Command Responsibility.
Bukod kay Umipig, pinasasampahan din ng IAS ng kasong administratibo ang naturang 11 pulis dahil sa pag-abandona sa biktima na malinaw na paglabag sa Police operational procedure.
Paglilinaw ng IAS, hiwalay pa ito sa anim na pulis na una nang nakasuhan sa insidente.
Samantala, nasa Summary Dismissal stage na ang kasong Grave Misconduct na una nang isinampa laban sa anim na pulis. | ulat ni Leo Sarne
📸: NCRPO