Nakuha na ng Search Rescue and Retrieval Team ang labi ng dalawang sakay ng Cessna 152 mula sa binagsakan nitong kagubatan sa Sitio Matad, Salvacion, Luna, Apayao matapos matagumpay na mahanap ng grupo ang crash site.
Sa ngayon, nasa Pudtol District Hospital ang labi ng dalawa at nakatakdang isailalim sa post mortem examination.
Matapos nito, maaari nang ipasa sa kapamilya ang labi ni Captain Edzel John Lumbao Tabuzo, ang piloto ng eroplano.
Habang ang student pilot na si Anshum Rajkumar Konde, isang Indian national ay kasalukuyan ang pakikipag-usap kung ipapasa ang labi nito sa Indian Embassy o ang embahada ang magpapadala sa labi ng naturang estudyante sa India.
August 1, nang napaulat na missing ang eroplano na may body number na RP-C5898 kung saan agad gumalaw ang Cagayan Valley Risk Reduction Management Council sa pagplano para sa isasagawang paghahanaps sa eroplano.
Kanina sa pagpapatuloy ng search and rescue operations, natukoy ang crash site sa tulong na rin ng mga residente mula sa San Jose, Pudtol at Salvacion Luna, Apayao na nakakita sa eroplano bago ito bumagsak.
Ang nabanggit na lugar ang ginalugad ng pinagsanib-pwersa ng Philippine Army (PA), Philippine National Police (PNP), at Bureau of Fire Protection (BFP), yun nga lamang ay wala nang buhay na nadatnan sa dalawang sakay ng eroplano. | ulat ni Dina Villacampa|RP1 Tuguegarao
Photos: 17th IB