Iniutos ni National Capital Region Police Office Chief Brigadier General Jose Melencio Nartatez ang paglikha ng anti-cybercrime desk sa lahat ng mga police station sa buong rehiyon, upang palakasin ang kampanya laban sa mga krimen online.
Ayon kay Nartatez, isa sa pinakamalaking banta sa mga Pilipino ngayon ang cybercrime dahil sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya.
Kahapon ay nagtapos sa isinagawang Basic Cybercrime Investigation Seminar ng NCRPO ang nasa 223 police officers, kung saan layon nito na maihanda ang mga imbestigador sa mga kaalaman at kakayahan na kinakailangan sa pagtugon sa cybercrime.
Dagdag pa ng opisyal, nakabuo na rin sila ng process flow diagram kung paano tutugunan ng mga duty officer o mga duty personnel ang mga walk-in complaint, at mga reklamong ipinadala sa pamamagitan ng text, e-complaint desk, e-complaint text o hotline at iba pang mga pamamaraan.
Sinabi rin ni Nartatez, na nakatakda na tanggapin ng mga anti-cybercrime desk ang lahat ng mga cyber-related crimes tulad ng paglabag sa mga batas tulad ng Republic Act 11930 o ang Anti-online Sexual Abuse of Exploitation of Children, at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act of 2022. | ulat ni Gab Villegas