Binalaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang publiko na mag-ingat sa posibleng pagguho ng lupa dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Director Edgar Posadas, ang patuloy na pag-ulan na dulot ng habagat ay nagreresulta sa paglambot ng lupa sa ilang mga lugar.
Aniya, delikado ang mga lugar sa Luzon na sinalanta ng bagyong Egay na una nang nakaranas ng pagbaha.
Sa ngayon, nananatili sa red alert status ang NDRRMC at nagmo-monitor ng sitwasyon.
Nasa 151 lungsod at bayan kasi sa Luzon ang isinailalim sa State of Calamity dahil sa pinsalang dala ng bagyo at habagat. | ulat ni Leo Sarne