Pansamantalang isasara sa publiko ang lahat ng public access points patungong Philippine Arena sa hapon ng Biyernes, August 25 sa pagbubukas ng FIBA World Cup.
Sa abiso ng NLEX corporation, magsisimula ang temporary closure ng access points pagpatak ng 5:30 ng hapon.
Kabilang dito ang Ciudad de Victoria toll plaza northbound exit, southbound ramp exit, Igulot intersection access via Mc Arthur highway at Gate 3 ng Bgy. Bolakan (backdoor).
Ayon sa NLEX, tanging mga P2P buses at mga sasakyang otorisad lamang ng FIBA at may valid Vehicle Access at Parking Permits ang papayagang makapasok sa Ciudad de Victoria.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga motorista na dumaan na muna sa mga alternatibong ruta via Marilao, Bocaue o Tambubong.
Una na ring hinimok ng NLEX na ang mga motorista na maglaan ng mas maraming oras kung hindi maiiwasang bumiyahe sa Biyernes.
May mga ide-deploy naman itong traffic personnel sa strategic areas para umalalay sa mga motorista. | ulat ni Merry Ann Bastasa