Tiniyak ng Inter-Agency Council on Traffic o I-ACT na hindi mababalam ang biyahe ng mga pasahero na sumasakay sa EDSA Bus Carousel.
Ito’y kahit pa gagamitin ng mga delegado ng FIBA World Cup 2023 ang EDSA Busway patungo naman sa mga playing venue kasabay ng pagbubukas nito ngayong araw.
Ayon kay I-ACT Chief Charlie Del Rosario, walang magiging pagbabago sa deployment ng mga Bus na bumibiyahe sa EDSA carousel lane.
Binigyang diin pa ni Del Rosario, kapakanan pa rin ng mga pasahero ang pangunahin nilang prayoridad kaya’t walang dahilan upang mabalam ang kanilang biyahe.
Sakali kasing makasabay ng mga bus ang convoy ng mga delegado ang FIBA, hindi mamadaliin ang mga bus sa pagbaba at pagsakay ng pasahero.
Hindi rin papayagang mag-overtake ang convoy sa halip ay pauusurin lamang ang mga bus sa harapan para makaraan ang mga delegado.
Pero paalala ng I-ACT, tanging may decal na mga sasakyan ng delegado ang papayagang dumaan sa EDSA Busway at iyong mga wala ay sisitahin at palalabasin sa bus lane. | ulat ni Jaymark Dagala