Tuloy-tuloy pa rin ang serbisyong hatid ng Pasig River Ferry Service sa mga pasahero, kahit pa walang pasok ang karamihan dahil sa holiday ngayong araw.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sa katunayan ay mananatiling operational ang Pasig River Ferry Service sa iba pang mga araw na idineklarang holiday.
Bukod sa idineklarang special non-working holiday ngayong araw dahil sa Ninoy Aquino Day, bukas din ang Pasig River Ferry Service sa Agosto 25 na idineklarang walang pasok dahil sa pagbubukas ng FIBA World Cup.
At kahit idineklarang regular holiday sa susunod na Lunes, Agosto 28 dahil sa National Heroes’ Day, mananatili pa ring bukas ang Pasig River Ferry Service para maglingkod sa publiko.
Ang Pasig River Ferry Service ay kasalukuyang naglilingkod sa 13 istasyon nito partikular na sa Pinagbuhatan, San Joaquin, Maybunga at Kalawaan sa Pasig.
Gayundin sa Guadalupe at Valenzuela sa Makati City; Hulo sa Mandaluyong at Lambingan, Sta. Ana, PUP, Lawton, Escolta, at Quinta naman sa Lungsod ng Maynila. | ulat ni Jaymark Dagala