Tumagal lang ng 13 minuto at 40 segundo ang budget briefing ng Office of the Vice President na pinangunahan mismo ni Vice President Sara Duterte.
Kabuuang P2.37 bilyon ang pondong ipinapanukala para sa OVP sa susunod na taon.
Ito ay para maipagpatuloy ang kanilang programa at proyekto.
Kabilang dito ang pagbubukas ng karagdagang OVP satellite offices para mas mailapit sa publiko ang medical at burial assistance.
Mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon, nasa 52,472 ang nakabenepisyo sa medical assistance o katumbas ng P550 milyon habang 11,606 na benepisyaryo naman sa burial assistance na ginastusan ng P56 milyon.
Mismong si Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos ang nagmosyon para agad i-terminate ang budget briefing ng OVP bilang tradisyon at kurtesiya.
Tinutulan naman ito ng MAKABAYAN bloc dahil kailangan umanong maipaliwanag ng OVP ang kanilang confidential funds.
Magkagayunman, nang magbotohan ang komite ay 21 mambabatas ang bumoto para tuluyang tapusin ang budget briefing.
Nagpasalamat naman si VP Sara sa mabilis na pag-usad sa komite ng kanilang panukalang budget. | ulat ni Kathleen Jean Forbes