Matagumpay na lumahok ang Philippine Air Force (PAF) sa Low-Cost, Low-Altitude (LCLA) airdrop exercise sa Sta Rosa, Nueva Ecija kahapon.
Ang LCLA airdrop ay isang paraan ng paghahatid ng mga suplay mula sa mababang-lipad na eroplano gamit ang mga disposable parachute.
Ayon kay PAF spokesperson Col. Maria Consuelo Castillo ang naturang aktibidad ay isa sa mga Flying Training Exercise ng multilateral military exercise Pacific Airlift Rally 2023, kung saan co-host ang PAF at U.S. Pacific Air Force.
Dito’y nakipagpalitan ng best practices ang PAF sa United States Air Force (USAF), Royal Malaysian Air Force (RMAF), Tentara Nasional Indonesia Angkatan Udara (TNI-AU), at Japan Air Self-Defense Force (JASDF) Airlifters na kasali sa ehersisyo.
Paliwanag ni Col. Castillo, ang pagpapalitan ng best practices ay makakatulong sa mga kalahok na Air Force na mapahusay ang kanilang kapabilidad na rumesponde sa natural na kalamidad at iba pang humanitarian emergency. | ulat ni Leo Sarne
📷: PAF