Positibo ang pamunuan ng bayan ng Panglima Estino, Sulu na makakatulong ang pagdeklara ng kanilang lugar bilang Abu Sayyaf Group (ASG) free sa paghikayat ng maraming turista na bumisita sa lugar na siyang magbibigay daan sa pagpapaunlad ng naturang bayan.
Pinangunahan ang deklarasyon kahapon ng Panglima Estino bilang ASG-free nina BGen Giovanni Franza, Commander ng 1102nd Brigade ng Philippine Army at ni Vice Mayor Morsid Estino sa bisa ng isang resolusyon ng Municipal Task Force on Ending Local Armed Conflict.
Naroon din ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, punong barangay, AFP, PNP at iba pa na pumirma sa isinagawang ceremonial signing ng resolusyon kaugnay sa naturang deklarasyon.
Pinuri ni Franza ang pagsusumikap ng lokal na pamahalaan at maging ng mga mamamayan nito upang tuluyan nang maging malaya mula sa bandidong Abu Sayyaf ang Panglima Estino.
Nauna nang idineklarang ASG-free ang bayan ng Maimbung, Pangutaran, Indanan, Talipao at Jolo sa unang distrito ng Sulu. Habang sa ikalawang distrito naman ang Omar, Tapul, Bangungui, Luuk, Pata pati Panamo at Kalinggalan Caluang matapos ang magkahalintulad na aktibidad na isasagawa ngayong araw.
Sa kabuuan, nasa 12 bayan na ang naideklarang ASG-free sa loob ng 19 na munisipalidad sa buong lalawigan.| ulat ni Fatma Jinno| RP1 Jolo