Pinabubusisi ni Senador Christopher ‘Bong’ Go sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang implementasyon ng Expanded Solo Parent Welfare Act.
Inihain ni Go ang Senate Resolution 730, para hilingin na mag-convene ang Congressional Oversight Committee on Solo Parents, para makapagbigay ng update tungkol sa pagpapatupad ng nasabing batas.
Ang hakbang na ito ng senador ay kasunod ng mga impormasyon na maraming solo parent ang hindi nakakatanggap ng mga benepisyo at prebilehiyong nakasaad sa batas.
Kasama na dito ang buwanang ayuda para sa mga solo parent na minimum wage earners gayundin ang 10 percent discount at VAT exemption sa mga mahahalagang childcare products.
Nais aniya ni Go, na mapakinggan ang paliwanag ng mga lokal na pamahalaan na nagsasabing nahihirapan silang makakuha ng sapat na pondo para ipatupad ang batas.
Sa ngayon ay naiparating na aniya ng mambabatas kay Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chairperson Senador Risa Hontiveros ang isinusulong niyang resolusyon at imbestigasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion