Nagpasalamat ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa naging pasya nito, na mamagitan sa usapin ng 10 Barangay na iginawad sa kanila ng Korte Suprema mula sa Makati.
Ito’y makaraang ihayag ng Pangalawang Pangulo ang pag-take over ng Department of Education (DepEd) sa pangangasiwa ng 10 paaralan na nakapailalim sa Enlisted Men’s Barrio o EMBO Barangay.
Ayon kay Taguig City Mayor Lani Cayetano, napapanahon ang pasyang ito ng Pangalawang Pangulo at patunay lamang ito ng kanyang pagmamalasakit sa mga mag-aaral, magulang at guro na apektado ng usapin.
Umaasa ang Taguig LGU na makapagbalangkas na sila ng transition plan kasama ang DepEd gayundin ng iba pang mga ahensya ng pamahalaan, upang matuldukan na rin ang mga hindi pagkakaunawaan.
Kinuha rin ni Mayor Cayetano ang pagkakataon upang pasalamatan si Makati City Mayor Abi Binay na nagpahayag ng suporta at pakikiisa sa pagbalangkas ng transition plan, upang ganap na malutas ang mga problemang bumabalot dito. | ulat ni Jaymark Dagala