Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang magtataas sa halaga ng pinapayagang gastos ng mga kandidato sa national at local elections.
Aamyendahan ng House Bill 8370 ang Section 13 ng Republic Act 7166 o ang “An Act providing for synchronized national and local elections and for other electoral reforms, authorizing appropriations therefor, and for other purposes.”
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez ang P3 hanggang P10 gastos ng kandidato sa bawat rehistradong botante sa ilalim ng kasalukuyang batas ay hindi na angkop.
“This cap was set almost 32 years ago, in November 1991 when the law was enacted. Factoring in annual inflation, a candidate’s P3 or P10 three decades ago may amount to nothing today. Thus, the need to adjust the expense limit,” ani Speaker Romualdez, lider ng 312 miyembro ng Kamara.
Sa ilalim panukala, ang mga kandidato sa pagkapangulo ay pinapayagan na gumastos ng hanggang P50 kada botante, P40 naman ang mga tumatakbo sa pagka-bise presidente at P30 sa mga kandidato sa pagka-senador, district representative, governor, vice governor, board member, mayor, vice mayor, councilor, at party-list representative.
Sa kasalukuyan ang cap ay nakatakda sa P10 sa mga tumatakbo sa pagkapangulo at bise presidente at P3 sa iba pang kandidato.
Mananatili sa P5 bawat kandidato ang gastos para sa independent candidates.
Habang ang limitasyon sa partido politikal, ay itinaas sa P30 mula sa P5 kada botante. | ulat ni Kathleen Jean Forbes