Tuloy-tuloy ang pagtugis ng Philippine National Police (PNP) sa armadong grupo ni Cong. Arnolfo Teves Jr.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Brig. General Red Maranan, walang ipinagbago ang kampanya ng PNP laban sa mga private armed groups (PAG) sa pag-designate ng Anti-Terrorism Council (ATC) kay Teves at sa kanyang armadong grupo bilang mga terorista.
Sinabi ni Maranan na puspusang ipatutupad ng PNP ang agresibo at tapat na law enforcement operations laban sa lahat ng Private Armed Groups.
Nauna rito, inihayag ng Anti Terrorism Council na ang pag-designate sa armadong grupo ni Teves bilang “Teves Terrorist Group” ay base sa “compelling evidence” at “factual incidents” na tumutukoy sa grupo bilang responsable sa mga insidente ng karahasan sa Negros Oriental.
Ayon sa ATC ang mga aktibidad ng Teves Terrorist Group ay lumikha ng “atmosphere of fear” na lubhang nakaplekto sa personal na pamumuhay at kalayaan ng mga residente sa rehiyon. | ulat ni Leo Sarne