Lumawak pa ang pinsala ng habagat at magkasunod na Bagyong Egay at Falcon sa sektor ng agrikultura.
Sa pinakahuling assessment ng DA, sumampa pa sa P4.66 bilyon ang halaga ng pinsala sa sektor sa 10 rehiyon sa bansa.
Katumbas ito ng higit 200,000 ektarya ng pananim na may production loss na 158,995 metrikong tonelada.
Kabilang sa mga apektado ang mga sakahan ng palay, mais, high value crops, livestock, poultry at fisheries.
Pinakamalaki ang epekto sa rice sector na 114,735 ektarya ang napinsala at pati na ang mga taniman ng mais na higit 83,596 ektarya ang apektado.
Aabot rin sa 187,225 na mga magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ang pangkabuhayan dahil sa pananalasa ng kalamidad.
Ayon naman sa DA, magsasagawa ito ng field validation para maisapinal ang pinsala ng magkakasunod na bagyo at habagat sa agriculture at fishery sector.
Inihahanda na rin aniya ng DA Regional Field Offices (RFOs) ang pagbalangkas ng Rehabilitation at Recovery Plan para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda. | ulat ni Merry Ann Bastasa