Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na may isa nang nahuling lumabag sa ipinatutupad na COMELEC Gun Ban, ngayong nagsimula na ang paghahain ng kandidatura para sa Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Elections (BSKE).
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Brigadier General Redrico Maranan, kinilala ang isang nasampolan sa gun ban na si Melquiades Quieta, isang body guard.
Naharang si Quieta nang dumaan ito sa isang COMELEC checkpoint sa Brgy. Cabuco, Trece Martirez City sa Lalawigan ng Cavite.
Sa ulat na ipinarating ng Cavite Provincial Police Office sa Kampo Crame, walang naipakitang gun ban exemption si Quieta na sakay ng morotsiklo nang maharang sa checkpoint.
Dahil dito, mahaharap si Quieta sa kasong paglabag sa COMELEC Resolution 10918 na nagtatadhana ng mga panuntunan hinggil sa ipinatutupad na election gun ban.
Patuloy naman ang paalala ng PNP sa mga may-ari ng baril, na ang mga nasa unipormadong hanay lamang gaya ng pulis at sundalo na naka-duty ang papayagang magdala ng armas.
Tatagal ang ipinatutupad na COMELEC Gun Ban hanggang Nobyembre 29 ng taong kasalukuyan. | ulat ni Jaymark Dagala