Naglabas na ang Department of Trade and Industry ng consumer advisory kung saan epektibo sa loob ng 60 araw ang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa ilang lugar sa Gitnang Luzon na nasa ilalim ng state of calamity dahil sa pananalasa ng bagyong Egay at hanging habagat.
Kasalukuyang epektibo ang nasabing price freeze sa mga lalawigan ng Pampanga, Bulacan, Bataan, bayan ng Zaragosa sa Nueva Ecija, at mga bayan ng Camiling at Paniqui sa Tarlac.
Ilan sa mga binabantayang produkto ng DTI ay ang presyo ng mga canned fish, locally manufactured instant noodles, inuming tubig, tinapay, processed milk, kape, kandila, sabong panlaba, at asin.
Sa ilalim ng Republic Act 7851 o ang Price Act, awtomatikong itataas ang price freeze sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity sa loob ng 60 araw. Mawawala ang nasabing price freeze sa mga pangunahing bilihin matapos ang 60 araw o sa oras na alisin ito ng pangulo.
Ang sinumang lalabag sa price freeze ay pagmumultahin mula P5,000 hanggang isang milyong piso o di kaya ay makukulong ng isa hanggang 10 taon, depende sa desisyon ng korte. Maaaring tumawag ang mga consumer sa hotline ng DTI na 1384 upang ireklamo ang sinumang lalabag sa price freeze. | ulat ni Gab Humilde Villegas