Naghayag na ng pagkabahala si Mayor Joy Belmonte sa pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa lungsod.
Inatasan na ng alkalde ang health department, sa pamamagitan ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (QCESU), na tugunan ang isyu.
Sa nakalipas lamang na dalawang linggo, 10 kaso ng leptospirosis ang naitala sa isang araw.
Upang pigilan ang pagkalat ng sakit at protektahan ang mga indibidwal, namahagi na ng Doxycycline o antibiotics ang LGU sa mga barangay health center.
Binigyan na rin ng sapat na suplay ang mga frontline responders mula sa Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ng lungsod.
Batay sa datos ng QCESU tumaas ang bilang ng kaso ng leptospirosis sa nakalipas na dalawang linggo, 26 na kaso ang iniulat mula Hulyo 22 hanggang Agosto 4. 10 dito ay naitala lamang noong Agosto 1.
Dahil dito, hinihikayat ang publiko na mag-ingat at hangga’t maaari ay iwasan ang paglusong at paliligo sa tubig baha. Mas maiging magsuot ng ‘protective clothing’ sa panahon na may baha. | ulat ni Rey Ferrer