Pinarangalan ng Civil Service Commission NCR si Quezon City Mayor Joy Belmonte bilang Regional Winner ng Presidential Lingkod Bayan Award sa 2023 Search for Outstanding Government Workers.
Personal na iginawad nina CSC NCR Acting Director Hans Alcantara at CSC NCR Dir. Victoria Esber kay Mayor Joy ang parangal sa Quezon City hall.
Ang naturang parangal ay iginagawad sa mga indibidwal o grupo na nakatulong sa pambansang lebel sa kanyang pagsisilbi.
Kasama na ngayon ang alkalde sa listahan ng regional winners na pagpipilian ng Office of the President para sa itatanghal na 2023 Presidential Lingkod Bayan (PLB) Awardee.
Nagpasalamat naman si Mayor Belmonte sa nakamit na pagkilala na inialay nito sa lahat ng kawani ng gobyerno na katuwang sa pagseserbisyo sa lungsod.
“Kung hindi sa kanila, hindi natin matatamo ang pagkilalang ito na nagsisilbing patunay na epektibo at kapaki-pakinabang ang ating mga programa’t proyekto sa ating lungsod,”
Bukod sa alkalde, binigyan din ng sertipiko ang ilan pang opisyal ng pamahalaang lungsod bilang nominee sa Pagasa Award kabilang sina Chief of Staff Ms. Rowena Macatao, City Administrator Michael Alimurung, Asst. City Administrator Alberto Kimpo, City Engineering Department Head Atty. Dale Perral, Business Permits and Licensing Department Head Ms. Margie Santos, at City Treasurer Mr. Edgar Villanueva.
Kabilang din sa mga nominado ang namayapang traffic enforcer na si Mr. Jeffrey Antolin para sa Outstanding Public Officials and Employees (Dangal ng Bayan) Award.
Nauna nang kinilala ng QC Government si Antolin para sa kanyang kabayanihan matapos niyang ibuwis ang kanyang buhay upang iligtas ang kanyang kapwa. | ulat ni Merry Ann Bastasa