187 na mambabatas ang pumabor para aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na naglalayong ayusin ang hanay ng Philippine National Police sa pamamagitan ng pagbuo ng mga dagdag na tanggapan at maglaan ng pondo para rito.
Sa ilalim ng House Bill No. 8327, aamyendahan ang “Department of Interior and Local Government Act of 1990” at “Philippine National Police Reform and Reorganization Act of 1998”.
Nakasaad sa panukala na magkakaroon ang PNP Chief ng isang command group na binubuo ng tanggapan ng deputy chief for administration, deputy chief for operations, at chief of the directorial staff.
Bubuo rin ng dagdag na posisyon para sa directorate for personnel and records management; intelligence; operations; logistics; plans; comptrollership; police community relations; investigation; training; education and doctrine development; research and development, at information and communications technology management.
Magtatalaga din ng Area Police Commands (APC) sa clustered police regional offices, district offices, at city police offices upang mapag-ibayo ang sakop at pamamahala ng PNP Chief.
“The APC shall orchestrate, supervise, and control the conduct of inter-regional operations against insurgency, terrorism, and other internal security threats. Further, the APC shall likewise conduct search, rescue, and relief operations in times of calamities and other emergency situations within their respective areas of jurisdiction,” sabi sa panukala.
Ang unang limang APCs ay itatalaga sa Northern Luzon, Southern Luzon, Visayas, Eastern Mindanao, at Western Mindanao. | ulat ni Kathleen Jean Forbes