Nagsasagawa ngayong araw ang Pamahalaang Lungsod ng San Juan ng Barangay Caravan na pangungunahan ni Mayor Francis Zamora sa Covered Court ng Barangay Onse ngayong umaga.
Layon ng nasabing one-stop-shop event na magbigay ng libreng serbisyo sa komunidad tulad ng libreng medical services, libreng legal assistance, job fair, at marami pang iba.
Ilan sa mga libreng medical service na iaalok ngayong umaga hanggang tanghali ay pagbibigay ng COVID Booster Shot, anti-polio, rubella, at measles vaccine para sa mga batang may edad 0-59 months, habang ang mga senior citizens ay magkakaroon ng access sa flu vaccines. Ang mga batang babae na may edad 10-14 ay maaaring makinabang mula sa pagkakaroon ng bakuna kontra HPV.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, nais nilang masiguro na magkakaroon ng access ang bawat residente sa healthcare services kung kinakailangan.
Sinabi rin ng alkalde na hindi lamang nakatuon sa healthcare ang aktibidad ngayong araw ngunit maghahandog rin sila ng libreng legal consultation, libreng family planning at marraiagr consultations.
Mayroon ding mga desk para sa mga magbabayad ng buwis at iba pang katanungan hinggil sa taxes at permits.
Magbibigay rin ang Pamahalaang Lungsod ng libreng anti-rabies vaccine para sa mga alagang aso at pusa, pagsasagawa ng skills registration at local recruitment activities.
Mayroon ding KADIWA Pop-Up Store kung saan maaaring makabili ng bigas, prutas, at gulay sa murang halaga. | ulat ni Gab Humilde Villegas