Inihayag ng Lokal na Pamahalaan ng San Juan na plano na nitong tanggalin ang mga bollard o mga harang na inilalagay sa mga bike lane sa lungsod.
Matatandaang kasagsagan ng COVID-19 pandemic nang nagdesisyon ang lokal na pamahalaan na mag-install ng mga bollard para sa kaligtasan ng mga gumagamit ng bike lanes.
Sa inilabas na pahayag ng San Juan LGU, ito ay upang mapagaan ang trapiko sa lungsod.
Lumalabas kasi sa ginawang pag-aaral ng lokal na pamahalaan at Metro Manila Development Authority, na mabigat ang trapiko sa mga lugar na may naka-install na mga bollard.
Kaugnay nito, nagdesisyon ang San Juan LGU na tanggalin na ang lahat ng mga bollard at palitan ito ng mga cat eye marker sa mga bike lane.
Tiniyak naman ng San Juan LGU, na magiging prayoridad pa rin ang kaligtasan ng mga siklista at mga pedestrian sa lungsod. | ulat ni Diane Lear