Pormal nang tinapos ng Philippine Coast Guard (PCG) Binangonan Sub-station nito ang search, rescue and retrieval operations nito.
Kaugnay iyan sa tumaob na MB Princess Aya Express, sa katubigang sakop ng Laguna de Bay nito lamang nakalipas na buwan sa kasagsagan ng paghagupit ng habagat na pinaigting ng bagyong Egay.
Ayon sa PCG, nitong araw ng Linggo, Hulyo 30 pa tinigil ng kanilang mga tauhan ang paghahanap sa mga labi at iba pang nakaligtas sa trahedya, matapos suyurin ang malaking bahagi ng lawa.
Batay sa opisyal ng datos ng Incident Command Post, 68 ang kabuuang bilang ng mga apektado kung saan 41 rito ang nakaligtas habang 27 naman ang nasawi.
Bagaman tinapos na ang search and rescue operations, sinabi ng PCG na patuloy pa ring nagpapatrolya ang kanilang mga tauhan sa lugar katuwang ang mga bangkero, bilang pagtitiyak na hindi na muling mauulit ang natuang trahedya. | ulat ni Jaymark Dagala