Ni-recall ng Police Security Protection Group (PSPG) ang 679 nilang mga tauhan mula sa 920 Protective Security Personnel (PSP) sa buong bansa, bilang bahagi ng paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa mga ni-recall, 495 PSP ang nagbibigay ng seguridad sa 285 opisyal ng gobyerno habang 425 PSP ang nagbibigay ng seguridad sa 309 pribadong indibidwal.
Iprinisinta kahapon ang mga na-recall na PSP sa PNP Transformation Oval sa Camp Crame, Quezon City ni PSPG Acting Director Police Colonel Rogelio Simon.
Sinabi ni Simon na ang pagbawi sa mga security detail ay alinsunod sa Commission on Elections (COMELEC) Resolution 10918.
Paliwanag ni Simon, kinakailangan kumuha ng Certificate of Authority for Security Detail mula sa COMELEC ang mga opisyal ng gobyerno at pribadong indibidwal para maibalik ang kanilang seguridad.
Samantala, isasailalim ang mga ni-recall na pulis sa VIP Security and Protection Refresher Course upang mapahusay ang kanilang protective security skills. | ulat ni Leo Sarne