Nanawagan sa Kongreso si National Security Adviser Secretary Eduardo Año na patuloy na suportahan ang Barangay Development Program (BDP).
Sa regular na pulong-balitaan ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Tagged: Reloaded, sinabi ni Año na ang BDP ay naging “game changer” sa laban kontra sa kilusang komunista.
Partikular na umapela si Año sa Kongreso na ipasa ang budget para sa susunod na taon na kakailanganin para sa 864 na barangay na napalaya mula sa impluwensya ng mga komunista.
Ayon kay Año, sa ilalim ng panukala, tatanggap ang bawat isa sa naturang mga barangay ng ₱10-milyong piso para sa mga proyektong pangkaunlaran, na maghahatid ng kasaganahan sa mga lokal na residente, alinsunod sa bisyon ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na siyang chairperson ng NTF-ELCAC.
Nilinaw naman ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya na ang pondo ng BDP ay hindi pork-barrel ng NTF-ELCAC.
Paliwanag ni Malaya, ang pondo ay direktang ibinababa sa mga barangay at sila ang magdedesisyon kung anong mga proyekto ang kapaki-pakinabang sa mga lokal na residente. | ulat ni Leo Sarne