Pormal nang inilunsad ng Anti-Red Tape Authority ang 2023 Regulatory Impact Assessment (RIA) Training Workbook na para sa mga ahensya ng pamahalaan at LGUs.
Pinangunahan ni Anti-Red Tape Authority (ARTA) Secretary Ernesto V. Perez at Better Regulations Office (BRO) Regulatory Management and Training Division (RMTD), katuwang ang United Kingdom-Department for Business and Trade (UK-DBT), ang paglulunsad ng naturang training workbook sa Novotel Manila.
Ayon sa ARTA, layon ng karadagang materyal na mapabilis ang pagsasagawa ng regulatory impact assessment training at maisaayos ang reporma sa serbisyo ng mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan sa bansa.
Alinsunod ito sa Section 17 (h) ng Republic Act (RA) 11032, mandato ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na matulungan ang mga ahensya ng gobyerno na mapahusay ang kanilang mga proseso nang maging mas epektibo ang serbisyo sa publiko.
Sa paglulunsad ng 2023 RIA Training Workbook, inaasahan ng ARTA na mas maraming ahensya pa ng pamahalaan ang magsasanay gamit ito lalo’t mapapaikli na lamang sa dalawa hanggang tatlong araw ang RIA Trainings. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📷: ARTA