Nagpasalamat ang pamunuan ng National Museum of the Philippines Cebu sa naging mainit na pagtanggap sa pagbubukas ng pampublikong museyo.
Ayon sa NMP Cebu, umabot sa 2,000 ang bumisita nitong Agosto 1, 2023, ang unang araw na bukas na sa publiko ang ika-16 na museyo ng National Museum of the Philippines.
Hindi pa man pumapatak ang alas-9 ay nakapila na ang mga nais mapabilang sa unang batch na makapasok sa NMP Cebu na nasa dating Aduana na naging dati ring Malacanan sa Sugbo.
Maliban sa mga Cebuano, kabilang sa unang set ng museum visitors ang isang pamilya mula sa Sultan Kudarat na nataong nagbakasyon sa Cebu sa pagbubukas ng pambansang museyo.
Nabigyan din ng libreng kopya ng The Philippine Center New York Core Collection catalog ang unang 20 na bisita ng NMP Cebu.
Mayroong 5 galleries ang pinakamalaking museum sa buong Visayas na nagpapakita ng kasaysayan, biodiversity, geology, archaeological finds, ethnographic at maritime tradition sa Cebu.
Bukas ang NMP Cebu Martes hanggang Linggo mula alas-9 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, at sarado araw ng Lunes.
Nilinaw ng pamunuan ng pambansang museyo na walang entrance fee ang lahat ng National Museum sa buong bansa subalit mayroong mga panuntunan na dapat sundin ng sinumang bibisita.| ulat ni Jessa Agua-Ylanan| RP1 Cebu