Magpapatupad ang Lokal na Pamahalaan ng Quezon City ng localized class suspension tuwing masama ang panahon.
Ito ay alinsunod na rin sa Memorandum Circular No. 10-A series of 2022, na laman ang mga alituntunin sa pagsususpinde ng klase tuwing may bagyo, pagbaha, masamang panahon, at kalamidad sa lungsod.
Sa isang pahayag, muling ipinaliwanag ni QC Mayor Joy Belmonte ang pangangailangan ng pagpapatupad ng nasabing guidelines.
Ayon kay Belmonte, dahil na rin sa climate change ay kailangan nang magpatupad ang lungsod ng localized class suspension scheme, dahil kung hindi ay maapektuhan aniya ang edukasyon ng mga mag-aaral.
Mayroon kasing pagkakataon aniya na nakararanas ng malakas na pag-ulan sa isang distrito, pero hindi naman umuulan sa ibang lugar ng lungsod.
Sa ilalim ng naturang guidelines, awtomatikong sususpindihin ang onsite at online classes sa mga pampublikong paaralan mula Kinder hanggang Grade 12, kung idineklara ng PAGASA ang signal number 1 sa Metro Manila, mayroong orange o red rainfall warning, at flood warning.
Kung wala namang PAGASA warning ay susundin ang localized class suspension scheme batay sa pre-disaster risk assessment ng QCDRRMC.
Binibigyan naman ng kalayaan ng QC-LGU ang mga pribadong paaralan sa pagsususpindi ng klase o kung susundin ang city-wide o localized guidelines. | ulat ni Diane Lear