Arestado ng mga operatiba ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa koordinasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas, ang tatlong Cameroon scammer sa isang hotel sa Makati City, kamakalawa.
Kinilala ni CIDG Director Police Major General Romeo Caramat ang mga arestadong suspek na sina: Jacob Bame, 48; Richard Kigin alyas “Slim Sanka”, 45; at Emmanuel Asobo Teyim alyas “Jordan Smith”, 33.
Nahuli ang tatlo sa entrapment operation na inilunsad ng mga operatiba ng Anti-Organized Crime Unit at Intelligence Division ng CIDG, matapos ireklamo ng estafa sa isang “double-your-money” scheme.
Narekober sa mga suspek ang 12 piraso ng pekeng P1,000 bill; 100 pekeng US dollar bill; 19 na P1,000 bill na pinahiran ng “black and white substance”; isang P1,000 bill na kinupas ang kulay, mga blankong papel na kasukat ng US dollar at peso bill; at samut-saring kagamitan na pang-imprenta ng pekeng pera.
Ang mga suspek ay kakasuhan ng paglabag sa Art. 315 (Estafa), Art. 166 (Forging Treasury Notes), Art. 178 (paggamit ng pekeng pangalan at pagtatago ng pagkakakilanlan), at PD 247 ng Revised Penal Code (RPC). | ulat ni Leo Sarne